Hindi lang nag-enjoy ang dalawang dayuhang turista na mula sa France nang sumali sila sa paghatak ng lambat sa tradisyunal na paghuli ng isda sa San Vicente, Palawan, dahil binigyan din sila ng “parte” sa nahuling mga isda. Alamin kung ano tradisyunal na “keger” na buhay na buhay pa rin sa lalawigan.

Sa nakaraang episode ng “Biyahe ni Drew,” ipinakitang umaga pa lamang at kalmado pa ang dagat, tulong-tulong na ang isang magkakapitbahay para maitulak ang bangka papunta sa laot.

Kapag nasa laot na, ilaladlad ng mga mangingisda ang 300 metro ng lambat paikot at pabalik sa pampang. Mula sa pampang, kailangan na magtutulong-tulong ang mga tao na hilahin ang lambat. Ang paraan na ito ng panghuhuli ng isda ang tinatawag na keger.

“Actually, napakasaya po na experience na ito. But, isa po sa ipinagbabawal dito sa bayan ng San Vicente ang paggamit ng mga maliliit na mata ng lambat dahil maaaring makuha nito ang mga maliliit na isda na wala pa sa maturity stage nila. And, isa po ito sa identified as unsustainable practices,” paliwanag ni Annabelle Hamora, staff ng Tourism Office ng San Vicente.

Kaya naman buong lakas na ibinibigay ng mga lokal ang paghatak, babae man o lalaki. Nagsusuot din sila ng lambat sa kanilang bewang para makadagdag sa puwersa ng paghila.

Tumatagal ng mahigit dalawang oras ang pagki-keger kaya mas maraming hahatak, mas mabilis na mahahatak sa pampang ang lambat at ang mga huli nitong isda kung mayroon.

Dalawang babaeng turista sa lugar na mula sa France ang nakita ang ginagawa ng mga lokal at nagbolustaryo silang tumulong sa keger.

“This is literally our first time doing this,” sabi ng isa sa mga turista.

Nang madala na sa pampang ang lambat, nakita nila ang iba’t ibang klase ng isda na nahuli gaya ng liwit at sapsap.

“It’s very good to be part of this traditional experience. To do something cultural is also better than to just be a tourist,” sabi ng isa sa mga turista.

Ngunit hindi lang ang masayang alaala ang nakuha nila sa naturang karanasan dahil sa pagsali nila sa paghatak sa lambat, binigyan din sila ng kanilang “parte” na ilang piraso ng isda na paghahati-hatian ng lahat ng tumulong sa keger. – FRJ GMA News