Tinanggal na sa puwesto ang isang pulis na nakatalaga sa Malolos City Police Station matapos mag-viral ang isang video na makikitang sinasaktan niya ang kaniyang kinakasamang babae.
Sa isang press briefing nitong Lunes, sinabi ni Rommel Geneblazo, na isang police corporal ang sangkot na pulis na nagsisilbing patrol driver at station vlogger.
Sa video na in-upload sa social media ng biktima, makikita na nagtatalo ang dalawa sa bahay noong Marso 12, hanggang sa sampalin ng babae ang pulis. Gumanti ang pulis at sinuntok niya ang babae na napahiga sa sahig.
Isinara pa ng pulis ang pinto sa kanilang kuwarto at muling sinaktan ng pulis ang biktima.
Ayon kay Geneblazo, kinumpiska na ang baril ng pulis at ang kaniyang PNP identification card.
“Nasa admin holding section po namin ng Bulacan Police Provincial Office,” dagdag niya.
Sinabi rin ng mga awtoridad na nahaharap sa reklamong kriminal at administratibo ang pulis na maaaring matanggal sa serbisyo.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagsimula umano ang alitan matapos patayin ng pulis ang kanyang location tracker, na ikinagalit ng biktima.
Ayon pa sa pulisya, sinabi rin ng biktima na dalawang beses na umano siyang sinaktan ng pulis at nangyari unang insidente noong Hunyo 22, 2025.
Sinabi ng Philippine National Police na magsasampa sila ng kaso laban sa pulis dahil sa paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004, partikular ang physical and emotional abuse.
Sinusubukan pa ng GMA News na makuhanan ng pahayag ang suspek at ang biktima na hindi pa raw handang magsalita.— Joviland Rita/FRJ GMA News
