Inihalal si Senador Pia Cayetano na muling pamunuan ang makapangyarihang Senate committee on accountability of public officers and investigations, na mas kilala bilang Blue Ribbon committee.

Nangyari ito sa sesyon ng Senado nitong Miyerkules matapos i-nominate ni acting Senate Majority Floor Leader Joel Villanueva si Cayetano kasunod ng ginagawang reorganisasyon sa Senado.

Walang tumutol sa nominasyon kaya si Cayetano ang papalit kay Sen. Panfilo Lacson bilang chairperson ng nasabing komite.

Noong 2024, gumawa ng kasaysayan si Cayetano bilang kauna-unahang babae na nahirang na chairperson ng Blue Ribbon committee nang bitawan ng noo’y senador na si Francis Tolentino ang naturang posisyon.

Ang Blue Ribbon committee ang nagsisiyasat sa mga alegasyon ng anomalya at iba pang usapin na kinasasangkutan ng mga opisyal ng gobyerno at mga ahensya ng pamahalaan.

Ipinatupad ang reorganisasyon sa mga komite sa Senado matapos mahalal na bagong Senate President ang kapatid ni Cayetano na si Alan Peter Cayetano, at pumalit kay Sen. Tito Sotto.

Ang iba pang nahirang na mga bagong pinuno ng mga komite nitong Miyerkoles ay sina::

  • Foreign Relations - Senator Imee Marcos
  • Environment - Senator Camille Villar
  • GOCCs - Senator Camille Villar
  • Constitutional Amendments - Senator Robin Padilla

FRJ GMA News