Tinangggap ni I.C. Mendoza ang paghingi ng paumanhin ni Senador Juan Miguel "Migz" Zubiri, kaugnay sa pagbanggit niya sa pangalan ng namayapang entertainment journalist na si Lourdes Carvajal, na mas kilalabilang Inday Badiday, na lola ng una.

"I also get where you're coming from and your frustration. And yes, I'm sure you meant no malice by it," saad ni I.C. sa social media post.

Bagaman aminado si I.C. na kilala ang kaniyang lola sa mga intriga sa showbiz, sinabi niya, "it just felt off seeing her memory associated with fake news peddlers."

"Kaya that's what caught us by surprise," paliwanag ni I.C.

"But all good," dagdag niya, na nagpasalamat din kay Zubiri at hinikayat na "to keep fighting the good fight."

Nitong Lunes, nabanggit ni Zubiri ang pangalang “Inday Badiday” sa kainitan ng diskusyon sa plenaryo ng Senado tungkol sa video presentation ni Sen. Imee Marcos na may niluluto umanong Charter change at term extensions si Sen. Tito Sotto, na lider ng minorya, na kinaaaniban ni Zubiri.

Pinabulaanan ni Sotto ang alegasyon ni Marcos, at hiniling ni Zubiri na alisin sa record ng Senado ang video presentation na inilarawan niyang “horrible propaganda.”

“Inday Badiday na ba tayo (rito) sa Senado? Kaya nga sinasabi, ‘we’re circus.’ I apologize to those who are watching. We are a circus because (of) this type of language that we are pushing in this caucus chamber. It’s unparliamentary,” ani Zubiri.

Kasunod nito, nag-react si I.C. at nag-post ng open letter para kay Zubiri sa social media na nagsasaad na, "please do not disrespect the legacy of my late mommy Luds."

Binigyang-diin ni I.C. ang naging papel ng kaniyang lola sa paghubog ng local pop culture at larangan ng entertainment journalism noong panahon nito. Sabi niya, “reducing her name and legacy to describe the 'circus' happening in the Senate is offensive."

"Ang tagal nang patay ng lola ko. Please leave her out of your political commentaries and analogies," ani I.C.

Sa kaniyang pahayag ngayong Martes, sinabi ni Zubiri na wala siyang intensiyon na dungisan ang alaala ni Inday Badiday, at naglabas lang umano siya ng saloobin tungkol sa video na ipinakita sa sesyon.

“I never meant to disrespect her memory or reduce her legacy to politics,” ani Zubiri, at idinagdag pa na: “Tama si IC Mendoza, dapat hindi na nadamay ang lola niya sa usaping pulitika. Kaya muli, I apologize deeply to the family and I will be more mindful moving forward.” – FRJ GMA News