Tumayo sa bulwagan ng Senado si Senador Lito Lapid nitong Martes para linawin ang usapan-usapan sa social media na kumalas na siya sa grupo ng minorya ni Senador Tito Sotto, upang umanib sa grupo ng mayorya ni Senate President Alan Peter Cayetano.

Nag-ugat ang espekulasyon na sumama na si Lapid sa mayorya nang hindi siya magsalita sa sesyon nitong Lunes upang suportahan ang mosyon ni Sen. Juan Miguel Zubiri (kasapi ng minorya) upang hilingin na alisin sa record ang video presentation ni Sen. Imee Marcos (kasapi ng mayorya) tungkol sa umano’y planong Charter Change na niluluto ng grupo ni Sotto.

Mariing pinabulaanan ni Sotto ang alegasyon ni Marcos, at halos lahat ng kasapi ng minorya ay nagpahayag ng pagsuporta sa mosyon ni Zubiri, maliban kay Lapid.

Nitong Martes, tumayo si Lapid sa plenaryo para magpahayag ng kaniyang manipestasyon na nananatili siya sa minorya at suportado niya ang mosyon ni Zubiri kahapon.

Ayon kay Lapid, ginawa niya ang paglilinaw dahil sa maraming kumalat sa social media na kumalas na siya sa minorya ni Sotto.

“Tungkol sa nangyari kahapon maraming kumakalat sa social media na ako’y lumipat na sa majority, hindi po totoo ‘yan. Mananatili po ako sa minority group at hindi po ako aalis dito,” deklara ng actor-politician.

“At yung motion ni Sen Zubiri kahapon ay sinusuportahan ko po. Hindi lang po ako nakapagsalita kahapon kala ko may botohan ‘yon pala ay wala naman,” paglilinaw niya.

Umaasa si Lapid sa pagkakaisa sa Senado at matitigil na ang bangayan.

Hiniling din ng senador sa mga bisitang pari sa Senado na ipagdasal silang mga senador para magkaisa upang maibalik umano ang dangal ng Senado.

Samantala, sinabi naman ni Cayetano na “noted” ang mga pahayag ni Lapid.

“Wala ka man sa majority Senator Lito Lapid nandiyan ka parati sa puso namin,” ayon kay Cayetano.

Nitong Lunes, dahil na rin sa mungkahi ni Cayetano kay Marcos, iniurong ng huli ang kaniyang video presentation tungkol sa umano’y planong Charter change ng grupo ni Sotto. – FRJ GMA News