Sugatan ang isang traffic enforcer sa Cebu City matapos mabundol at muntik pang magulungan ng isang Sport Utility Vehicle (SUV) sa Cebu City. Ang driver, idinahilan umano na hindi niya nakita ang biktima kahit nasa harapan niya.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Huwebes, sinabing nangyari ang nahuli-cam na insidente sa isang intersection sa Barangay Capitol Site nitong Miyerkoles.
Sa CCTV footage, makikita na pinatigil ng enforcer ang mga sasakyan sa isang bahagi ng intersection na kasama ang SUV na nakatapat mismo sa harapan ng biktima.
Tumigil naman ang SUV pero ilang saglit lang nang tumalikod ang enforcer, umabante ang sasakyan kaya nabangga niya ang biktima.
Natumba ang enforcer at mabuting nakagapang kaya hindi siya nasagasaan ng SUV na nagtuloy-tuloy sa pag-arangkada.
Pero napatigil din ang SUV nang habulin siya ng isang nakasaksi sa insidente.
Ayon sa enforcer na nagtamo ng mga sugat, pinahinto niya ang ilang sasakyan para hindi maharangan ang intersection dahil marami ang volume ng mga sasakyan.
Sa ginawang imbestigasyon naman ng Traffic Enforcement Unit, sinabi umano ng driver na isang senior citizen na hindi niya nakita ang enforcer.
Hindi pinayagan ng TEU na makapanayam ang driver habang patuloy pa ang imbestigasyon.
Sa hiwalay na ulat ng GMA Regional TV, sinabing sasampahan ng pulisya na kasong direct assault with attempted homicide ang driver ng SUV base sa nakuhanan sa CCTV camera na muntik niyang magulungan ang biktima.
Samantala sa isang pahayag, inatasan ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, na maglabas ng Show Cause Order (SCO) laban sa naturang driver.
Inaatasan ang rehistradong may-ari ng sasakyan at itinalagang driver na sangkot sa insidente na humarap sa tanggapan ng Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO sa itinakdang pagdinig upang magpaliwanag kung bakit hindi dapat mapanagot sa mga paglabag na Improper Person to Operate a Motor Vehicle at Reckless Driving.
"Hindi natin maaaring palampasin ang ganitong insidente dahil ang ating mga traffic enforcer ay nararapat na igalang dahil ginagawa lamang nila ang kanilang tungkulin para sa kaligtasan ng publiko. Hindi dapat magdulot ng panganib ang sinumang motorista sa mga taong nagsisikap mapanatili ang kaayusan sa ating mga kalsada," ayon kay Lacanilao.
Idinagdag sa pahayag na suspendido ng 90 araw ang lisensiya ng driver at isinailalim din sa alarm status ang naturang sasakyan.—FRJ GMA News
