Binalikan ni Maegan Aguilar kung paanong nakita siya noon ng amang si Freddie Aguilar na lulong sa droga sa labas ng subdivision, at kung paano niya napagtanto ang pagsisisi dahil sa kaniyang nagkakamali.

Sa kaniyang guesting sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, ibinahagi ni Maegan ang kaniyang rehab journey, na kaniyang pinagdaanan sa tulong ng kaibigang si Kuh Ledesma.

Ngunit paglabas ni Maegan sa rehabilitation, muli niyang nakita ang kaniyang partner, na gumagamit din ng droga, kaya nagsimula na naman siyang bumalik sa masamang bisyo.

“Alam mo sa totoo, hindi niya kasalanan eh. It's not his fault. Pero pareho kaming ganu'n ang ginagawa. So kung isa sa amin ay gustong lumayo na sa droga or gusto nang mag-recover, pero 'yung isa, hindi pa, it's not gonna work,” paliwanag ni Maegan.

Inilahad ni Maegan na ikinalungkot ni Kuh ang pagbalik niya sa bisyo matapos siyang tulungan.

“She was sad. Sabi niya, ‘You already know what happened to you living that life. Why do you have to repeat?’ Ganiyan.”

Matapos mag-relapse, dito na rin naging homeless o walang tirahan si Maegan.

“Before going to Rehab 2, homeless na ako ng one week. Hindi ko 'yun naranasan before. Never ko inabot 'yung point na ‘yan. And then inabot ko,” saad niya.

Doon namalagi si Maegan sa labas ng subdivision kung saan naninirahan ang kaniyang amang si Freddie.

“And then you know where I was? I was just outside the subdivision of Tatay where I live. I'm just in the outside area, making a fool out of myself,” aniya.

Ibinahagi niya ang tagpo nang matiyempuhan siya ng ama na lulong sa droga.

“Nakatulog ako sa tricycle, mga ganu'n. Ang lala. And then, tatay wouldn't budge. He's like, ‘You know what? Fix it. Ayusin mo. You don't even know how long I still have. Ayusin mo,’” pagbahagi niya.

Gayunman, hindi daw kaagad tumatak sa kaniya ang bilin ng ama.

“I just thought he was being selfish. Kasi nga entitled ako. ‘Hello, kailangan ko ng tulong, ba't ‘di mo ako tulungan?’ Mali,” patuloy ni Maegan.

Ibinahagi ni Maegan na humingi siya ng tawad sa ama bago ito pumanaw.

“I wrote him a letter after his birthday. It wasn't a simple thank you and sorry,” sambit ni Maegan.

Inalala ni Maegan ang mensahe niya sa ibinigay niyang sulat kay Freddie bago ito magdiwang ng kaarawan noong 2025.

“It was, ‘Tay, sobrang mahal niyo pala ako the whole time. The whole time na hinayaan niyo akong magkanda-letse-letse 'yung buhay ko. Kasi nagtiwala kayo na kakayanin ko. Nagtiwala kayo na I would find the right way. And without you saying it, that means ganu'n mo ako kamahal, ganu'n, kalaki tiwala mo sa akin,” kuwento niya.

Kalaunan, unti-unting naghilom ang tampuhan ng mag-ama.

“April 9, (2025), my birthday, he sent me a video greeting. And the way he looked there, I guess I should've felt, kasi parang ang liwanag nu’ng hitsura niya du’n eh. Para siyang anghel. And he had this smile, he had this aliwalas in his face. ‘Anak, I’m so happy, I love you so much. Paglabas mo, mag-US tour tayo,’” patuloy niya.

“And then come May, wala na,” sabi ni Maegan.

Matatandaang pumanaw si Freddie noong Mayo ng nakaraang taon, isang buwan matapos ang kaniyang kaarawan.

Nasa rehab pa rin noon si Maegan.

“Ang masakit, nasa loob ako. So I can't even go out for it. Hindi talaga (pinayagan lumabas). For good reason, kasi ano eh, talagang recipe for relapse, recipe for hysterics and everything. And of course, at that moment, family was also fighting. Ganu'n naman ‘di ba when someone dies? Ang gulo. It was magulo,” sabi niya.

Pinayagan lamang si Maegan na lumabas ng isang oras at may mga escort, isang linggo matapos pumanaw si Freddie.

Emosyonal si Maegan nang i-flash sa screen ang larawang magkasama sila ni Freddie. Hindi niya itinangging miss niya ang ama.

Iconic song na ‘Anak’

Nagbigay ng pagninilay si Maegan sa iconic song na “Anak” ni Freddie.

“It says to me that it's not only about him or me, you know, this song. It's really about every single one of us na naging anak. Na nag-umpisa bilang anak bago naging magulang.

It's for sure the reason why Anak is so famous worldwide. Kasi it speaks about everyone's life. Everyone's journey when they realize things,” ani Maegan.

Tila sumasalamin din umano sa pinagdaanan niya sa buhay ang mga linya ng kanta.

“‘Yung parang the journey of maturity, the journey of realization. That's the story of Anak. Because even the last lyrics of it, ‘yung ‘Pagsisisi sa isip mo. Nalaman mong ika’y nagkamali.’ It's not a final, right? It's not an end. It's a continuing story,” aniya. – FRJ GMA News