Kabilang sa mga inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address (SONA 2026) nitong Lunes ang nakatakdang pagsasampa ng Ombudsman ng mga kaso laban sa kaniyang pinsan na si Speaker na si Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez. Kaugnay ito ng umano’y anomalya sa flood control projects. Ang huli, sinabing iginagalang niya ang pahayag ng pangulo.

Bahagyang naging emosyonal si Marcos habang sinasabi na masakit para sa kaniya ang nalalapit na pagsasampa ng mga kaso laban kay Romualdez. Ngunit iginiit niya na kailangan itong gawin.

Sa nakaraang 2025 SONA na si Romualdez pa ang Speaker ng Kamara, mariing kinondena ni Marcos ang katiwalian sa flood control projects, at binanggit ang tumatak na kataga laban sa mga tiwaling opisyal sa gobyerno na “mahiya naman kayo.”

"Mayroon nang mga unang nakasuhan at nakulong: mga kontratista; matataas na opisyal ng DPWH; pati na ang mga mambabatas. Dumating na tayo sa puntong ayon sa Ombudsman ay malapit na ang paghahain ng patong-patong na kaso laban sa dating Speaker. Masakit sa akin ito pero kailangan natin itong gawin,” ani Marcos sa kaniyang talumpati nitong Lunes.

“Hindi ako pangulo ng aking pamilya,” dagdag niya.

Kabilang sa mga kinasuhan at nakulong habang nakabinbin ang kaso kaugnay sa umano'y maanomalyang mga proyektong flood control ay sina Senador Jinggoy Estrada, dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., at dating Kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Manuel Bonoan.

Nitong Biyernes, naghain ang special panel of investigators mula sa Ombudsman ng supplemental complaint affidavit laban kina Romualdez, dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co, at iba pa kaugnay sa isinasagawang preliminary investigation sa paghahain ng kaso.

Hinihinala na nagkaroon ng sabwatan sina Romualdez at Co upang magkamal ng ill-gotten wealth na aabot ng P56 bilyon mula sa 2022 hanggang 2025 sa pamamagitan ng “transactions involving the diversion and misuse of public funds and the receipt of undue pecuniary benefits in connection with government dealings.”

Mga reklamong plunder, graft, at direct bribery ang inihahandang reklamo laban sa mga kasalukuyang at dating mambabatas.

Sa isang pahayag nitong Lunes, sinabi ni Romualdez na iginagalang niya ang naging pahayag ni Marcos na kaniyang pinsan.

“Masakit man ito sa aming pamilya, iginagalang ko ang naging pahayag ng Pangulo. Hindi ako kailanman humingi ng pabor o espesyal na pagtrato,” saad ng dating speaker.

“Sang-ayon ako na gawin natin ang tama. Ang tama ay ang sumunod sa proseso at hayaan ang ebidensiya ang magsalita. Naninindigan akong wala akong ginawang anumang labag sa bata. At handa akong patunayan ito,” dagdag niya.

Nitong nakaraang linggo, inihayag ni Atty. Elaine Atienza, tagapagsalita ni Romualdez, na handa ang dating speaker na harapin ang mga kasong isasampa laban sa kaniya.

“Naniniwala kami na kung magkakaroon ng patas na laban at patas na paghuhusga batay sa ebidensya, mapapatunayan ni Rep. Romualdez ang kaniyang panig,” saad ni Atienza

“Hinihiling lamang namin sa publiko na hayaang manaig ang proseso at ebidensya ang magpasya,” dagdag niya.—FRJ GMA News