Isang 17-anyos na babae na hinihinalang miyembro ng "akyat-bahay" ang nabisto nang abutan itong nasalampak sa sahig matapos na bumagsak mula sa kisame ng isang tattoo studio sa Quezon City.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Martes, sinabi ni Norman Saliot na ikinandado niya ang kaniyang tattoo studio sa Cubao noong Sabado ng gabi. Kaya naman laking gulat niya nang may makita siyang tao na nakahandusay sa sahig kinabukasan at panay ang hikbi.
Ilang beses niyang tinanong ang nakahandusay na babae kung ano ang masakit dito pero hindi nagsasalita.
Hindi nagtagal, napansin ni Saliot ang pira-pirasong bahagi ng kahoy sa sahig, at nang tumingala siya ay nakita na ang malaking butas sa kisame.
Dito na natuklasan na naapakan ng dalagita ang lumang kisame kaya ito bumigay at bumagsak sa loob ng tattoo studio.
Maging ang mga pulis na dumating, hirap ding kausapin ang dalagita.
Sa imbestigasyon, lumabas na may mga kaibigang "batang hamog" sa lugar ang babae na posibleng kasabwat daw nito.
Pero hindi ang studio ang target ng mga suspek kung hindi ang katabing tindahan ng alahas.
Dahil menor de edad, pinatawag muna ang magulang ng dalagita na napag-alamang lumayas sa bahay nila sa Fairview noong isang buwan.
Desidido naman si Eliot na ireklamo ang dalagita para na rin sa ikabubuti nito.
Samantala, nagpaalala naman ang pulisya sa publiko lalo na sa mga aalis sa kanilang bahay ngayong Semana Santa at bakasyon na tiyaking nakakandado ang mga bintana at pinto.
Para makaiwas din sa sunog, bunutin sa saksakan ang lahat ng electrical appliances. -- FRJ, GMA News
