Pinayagan ng isang korte sa Taiwan na idiborsyo ng isang babae ang kaniyang mister na hindi sumagot sa kaniyang mga text — kahit nakita na umano ng lalake ang mga ito.

Gamit ang ebidensya mula sa app na Line, pinayagan ng hukom sa Hsinchu district si Mrs. Lin na tuluyan nang hiwalayan ang kaniyang asawa, ayon sa ulat ng BBC News.

Kita umano sa Line na may ilang text message na ipinadala ang babae sa loob ng anim na buwan, at walang sagot na natanggap ni isa dito.

Sa isang mensahe, sinabi pa ni Mrs. Lin sa kaniyang mister na dinala siya sa emergency room ng isang ospital. Tinanong niya rin ito kung bakit siya ini-"seen zone" — binabasa ang mga mensahe nguni't hindi nagre-reply.

"The defendant did not inquire about the plaintiff, and the information sent by the plaintiff was read but not replied to," ayon sa hatol ng korte.

"The couple's marriage is beyond repair."

Dagdag pa ng hatol, nagpadala ang mister ng mensahe sa wakas isang buwan matapos ang insidente, pero hindi ito tungkol sa kalagayan ng kaniyang misis.

"It was about matters related to their dog and notified her there was mail for her, but he didn't show any concern for her," ayon sa hatol.

"A normal couple shouldn't treat each other like that… The Line messages were a very important piece of evidence. It shows the overall state of the marriage… that the two parties don't have good communication," dagdag pa nito.

Bukod dito, si Mrs. Lin daw ang sumasagot sa mga gastusin ng mag-asawa dahil walang stable na trabaho ang kaniyang mister.

Kinasal ang mag-asawa noong 2012. Lagpas singkwenta anyos na si Mrs. Lin habang lagpas kuwarenta anyos naman ang kaniyang asawa.

Hindi sumipot ang mister sa mga hearing ng korte. —JST, GMA News