Isang kakaibang kasuotang pambata ang nalikha ng isang London-based designer dahil lumalaki ito kasabay ng paglaki ng batang may suot.

Sa ulat ng Reuters, sinabing ang kasuotan na tinawag na "petit pli" ay hango sa disenyo ng origami o Japanese art ng paper folding kung saan nag-a-adjust ang kasuotan alinsunod sa galaw at paglaki ng bata.

 

(Screengrab mula  sa video ng Reuters)

Sa ngayon, ang kasuotan na futuristic ang design ay terno na pang-itaas at pang-ibaba. Maaari itong isuot ng sanggol na apat na buwang gulang hanggang sa siya ay maging tatlong-taong-gulang.

Dahil sa kakaibang disenyo, nababanat ang mistulang tinupi-tuping tela kaya humahaba ang kasuotan kasabay ng paglaki ng bata, at sumasabay din sa kaniyang galaw kaya komportable ang gagamit.

Pagtiyak ng designer ng kasuotan na si Ryan Mario Yasin, budget friendly ito, hindi mawawala ang mga tupi kahit ilang beses pang labhan, wind-proof at water-proof din.

Bukod sa pambata, gumagawa na rin siya ngayon ng disensyo na puwede sa matatanda. -- FRJ, GMA News