Maliban sa mga hakbangin na pangalagaan ang kapaligiran ng Palawan, may nagmumungkahi rin na pangalagaan ang kultura at imahe ng lalawigan kaya nais na ipagbawal ang mga t-back bikini at g-string, at maging ang sobrang "public display of affection."

Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News "Saksi" nitong Huwebes, sinabi ni Cherry Pie Acosta, board member ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan,  hindi na dapat payagan ang mga bikini na nakikita na ang buong puwet ng mga nagtutungo sa beach.

"They can still wear two-piece, they can still wear a one-piece, but those exposing their whole butt ay medyo parang hindi po tayo umaayon du'n," sabi ng lokal na opisyal.

Kung magsusuot naman ng bikini na kita na ang buong puwet, dapat ay nasa tubig at lumalangoy lang, at takpan na o magtapis kapag umahon na sa tubig.

Nais din umano ni Acosta na ipagbawal ang sobrang public display of affection, lalo na ang mga gumawa ng sexual acts sa dalampasigan.

"Mga madaling araw po ay ginagawa na 'yan diyan. May mga ilan po tayong naririnig," sabi ni Acosta.

Reaksyon naman ng isang turista tungkol sa naturang usapin, "If it offends the locals if it's something should be doing, maybe signs would help, maybe people would pay more attention to it."

Samantala, tinutukan na rin ng Department of Environment and Natural Resources ang kalagayan ng Coron, Palawan dahil sa sumasamang kondisyon ng tubig sa karagatan tulad sa Barangay Tagumpay kung saan nakatira ang ilang tao na malapit lang sa bakawan.

Dahil walang septic tank ang ilan, diretso sa tubig ang dumi pati na ang basura.

Sa Barangay Poblacion Singko naman, lampas na sa safe standard ng DENR ang coliform na nakukuha mula sa dumi ng tao o hayop.

Ang Tagumpay at Poblacion Singko ay kasama umano sa anim na barangay kung saan may mga nakita ang DENR Task Force Coron na lumampas sa "easement line" o  layo ng estruktura sa dagat na itinakda ng batas.

Ayon sa lokal na pamahalaan, noon pa dapat ire-relocate ang mga pamilyang sinalanta noon ng super bagyo na si Yolanda.

Nagpapatulong din ang lokal na pamahalaan ng Coron sa gobyerno para magkaroon sila ng sewerage treatment.

"Hindi namin kaya na magkaroon tayo ng sewerage treatment diyan sa bayan ng Coron. Kung sa amin lang so humihingi kami ng tulong sa national government na tulungan din kami just like what they did in Boracay," sabi ni Coron mayor Ajerico Barracoso.-- FRJ, GMA News