Nabalian ng leeg ng isang babae sa Guangdong, China nang mabagsakan siya ng isang aso na nahulog mula sa isang residential apartment.

Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing nagtamo ng matinding pinsala sa leeg ang babae.

Sa video, nakita ang biktima na papasok sa gusali nang biglang bumagsak ang aso na tumama sa kanilang ulo at balikat.

Nawalan nang malay na bumagsak sa semento ang babae, habang nakabangon naman at maayos ang kalagayan ng aso, na tinatayang nasa 20 kilo raw ang bigat.

Hinihinala na tumalon ang aso mula sa ikalawang bahagi ng gusali nang hindi nito mahanap ang daan palabas.

Sa China pa rin, isang babae ang nahuli-cam na pinatid ang isang batang apat na taong gulang habang nasa loob ng isang kainan.

Nakaupo malapit sa pintuan ang babae nang patirin niya ang bata na papalabas noon. Napasubsob ang bata sa sahig na napag-alaman na may sakit sa puso.

Naospital ang bata dahil sa tinamong sugat sa ulo.

Humingi naman daw ng paumanhin sa mga magulang ng bata ang batang namatid na isa pa namang buntis. --FRJ, GMA News