Nagdulot ng takot sa mga residente sa isang subdibisyon sa Bacolod City ang nakakawalang buwaya na anim na talampakan ang haba kaninang madaling araw.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Huwebes. sinabing apat na residente ang nakakita sa buwaya na gumagapang sa isang bakanteng lote.

Gamit ang lubid at kawayan, pinagtulungan nila itong huliin at saka dinala sa barangay hall. Kinalaunan, ibinigay naman nila ito sa City Environment and Natural Resources Office o Cenro.

Napag-alaman na isang Philippine salt water crocodile ang buwaya, ayon sa Cenro.

Lumitaw naman sa imbestigasyon ng pulisya, alaga ang naturang buwaya at nakakawala sa kulungan na may tatlong daang metro ang layo mula sa subdibisyon.

Tatlong taon na raw itong inaalagan ng may-ari na nasa Maynila nang mangyari ang insidente. -- FRJ, GMA News