Tuluyang nilamon ng tubig ang isang SUV nang hindi namalayan ng driver na sumusunod sa Waze na baha na pala ang daang kaniyang susuungin sa Quezon City. Ang driver, mapalad na nasagip ng dalawang pulis na lumangoy sa baha.

Sa ulat ni Saleema Refran sa Balita Pilipinas, sinabing agad bumaha sa Panay Avenue nang bumuhos ang ulan bandang alas nuwebe ng gabi nitong Miyerkoles.

Bandang hatinggabi, nagsimula nang lumubog ang SUV na sinasakyan ni Bryan Manuel sa taas ng tubig at lakas ng agos. Hindi nagtagal at nilamon na ito ng baha.

Akala pa ni Manuel, sa loob ng sasakyan na siya mamamatay habang tinatangay ng tubig.

Masuwerte namang nakita siya nina PO1 Dioscoro Tubilla at PO2 Julius Cedazo, na nagroronda noong mga oras na iyon. Nilangoy nila ang baha para iligtas si Manuel.

"Hindi ko namalayan kasi dahil sobrang dilim nito tapos tinted 'yung gamit kong sasakyan tapos nakasunod lang ako kay Waze. So nu'ng pagsalpok ko sa tubig nu'ng namalayan kong malalim na pala siya, pag-reverse ko 'di na kinaya dahil ang lakas ng current ng tubig, tinulak na ko palayo," sabi ni Bryan Manuel, motorista.

Lumubog din ang ilang sasakyan sa may Mother Ignacia Avenue kaya naghanap na lang ng ibang ruta ang ilang motorista. Kitang-kita naman ang mga palutang-lutang na basura.

Samantala sa EDSA-North Avenue hanggang EDSA-Balintawak, umabot hanggang binti ang baha kaya sumikip din ang daloy ng trapiko. Stranded din ang ilang commuter at basang-basa sa ulan.

Lagpas-tao naman ang baha sa Aranta Avenue corner P. Florentino St., at napalikas ang mga residente dala-dala ang mga gamit.

Hanggang binti pa rin ang baha sa Araneta Avenue corner E. Rodriguez kinaumagahan, kaya ilang truck ang tumirik.

Gutter deep naman ang lalim ng tubig sa may bahagi ng Quirino Avenue padado 1 a.m.

Hindi naman sumikip ang daloy ng trapiko sa Roxas Boulevard hanggang Libertad Avenue, samantalang nabasa rin ng ulan ang mga nag-aabang ng masasakyan sa U.N. at Taft Avenue.

Binaha din ang EDSA-Munoz hanggang EDSA Monumento kaya bumagal ang daloy ng trapiko. —Jamil Santos/NB, GMA News