Kaya naman pala pumapalo sa P24,000 kada buwan ang Meralco bill ng isang bahay sa Marikina City ay dahil sa mga aircon na ginagamit ng may-ari para mapanatili ang tamang temperatura sa pagpapalago ng tanim nitong marijuana.

Arestado ang tatlong katao, kabilang ang isang menor de edad, matapos masamsam sa kanila ang mahigit 30 paso ng marijuana sa loob ng kanilang kuwarto sa Barangay Concepcion Dos, na kanila umanong inaalagaan at nilalagyan ng fertilizer.

Ang pangunahing suspek, ginagamit daw ang marijuana para sa kaniyang medical condition.

Sa ulat ni James Agustin sa Balitanghali nitong Biyernes, kinilala ang suspek na si Miguel Aryas, na inaresto kasama ang live-in partner at kapatid niyang menor de edad na lalaki.

Makikitang animo plantasyon ang kuwarto ng mga suspek sa dami ng mga paso, at may mga tuyong dahon ng marijuana pa na naka-plastic na para ibenta.

Nagkakahalaga ang mga ito ng tinatayang P800,000, samantalang kikita hanggang P3 milyon ang mga hindi pa naani.

"By December daw magha-harvest na daw siya eh. Hindi natin sukat akalain dahil ito ay residential area, 'yan pala ginawan ng paraan. Naka-aircon, tapos may monitor ng temperature kaya pala malaki ang bill niya, P24,000 a month" sabi ni Sr. Supt. Roger Quesada, chief of police, Marikina.

Pinakikinabangan umano ni Aryas ang mga tanim na marijuana para sa kaniyang medical condition.

"Dito lang naman sa atin 'yan illegal eh," sabi ni Aryas.

"Lately na lang din po niya na-open sa amin dahil nagka-baby na kami pero hindi po ako nangingialam sa ginagawa niya," sabi naman ng live-in partner ni Aryas.

Ililipat naman sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development ang menor de edad na nadakip. — Jamil Santos/MDM, GMA News