Isang baka na mag-isang tumatakbo sa gitna ng kalsada ang nambulaga sa ilang motorista sa Dapitan City, Zamboanga Del Norte.
Ayon sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, makikita sa video na ini-upload ni Apple Marie Agolong, na tumatakbo ang baka sa gitna ng kalsada na mag-isa at walang kasamang umaalalay.
Dahil gabi nang mangyari ang insidente, posibleng hindi kaagad mapapansin ng mga motorista ang baka na nakunan sa pamamagitan ng dash camera.
Hindi na nabanggit kung ano ang nangyari sa baka matapos na malampasan na ito ng sasakyan na may kuha ng video.
Sa Baao, Camarines Sur naman, agaw-pansin rin ang peligrosong pag-angkas sa isang motorsiklo ng tatlong katao.
Naka-angkas ang isang bata sa harap ng rider at may isa pang bata sa pagitan niya at ng isa pang babae.
Tanging ang rider lang any may suot ng helmet. -- Maia Tria/FRJ, GMA News
