Ikinagulat ng mga residente ang pamumula ng Biñan River sa Laguna na mistulang gulaman. Ang itinuturong dahilan, isang kompanya na nagtapon daw ng kemikal sa ilog.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente noong nakaraang weekend, kung saan nag-viral ang mga video at larawan ng mapulang Biñan River na kuha ng mga residente.
Dahil dito, nag-imbestiga ang Laguna Lake Development Authority (LLDA), dahil bukod sa konektado sa lawa ng Laguna ang Biñan River, nasa ilalim ng kanilang hurisdiksyon ang mga industriyang nasa tabi ng ilog.
Kumuha ang LLDA ng mga water waste sample mula sa ilan sa mga pabrika at nalaman kung alin ang nagpakawala ng kemikal kaya namula ang Biñan river.
Lumalabas sa imbestigasyon na galing sa packaging company na 818 East Asia Group ang waste water.
"Kitang-kita naman po du'n sa pictures na meron po talagang alleged bypass po sila, 'yung partially treated na waste water nila eh, dini-discharge po nila papunta sa malapit na creek," sabi ni Engr. Jericson Medina, surveillance and monitoring division, LLDA.
Lumabas din sa laboratory examination ng LLDA na hindi pasado sa national effluent standards o nakakapagpadumi ng mga ilog ang itinapong water waste ng kompanya.
"Lumalabas na bagsak sila sa majority of parameters na nire-regulate namin. 'Yung penalty na i-impose ng LLDA, ang minimum na tinitingnan namin diyan is P10K per day of penalty, aside from closure," saad ni Engr. Emiterio Hernandez, Manager ng Environmental Regulations Department.
Ngayong taon pa lamang, umaabot na sa 100 na pabrika ang iniimbestigahan ng LLDA dahil sa kanilang pagtatapon ng water waste diretso sa ilog. Ginagawa umano nila ang pagtatapon tuwing maulan at weekend.
"'Yung pag-treat kasi ng kanilang mga waste water is quite costly so hangga't makakatipid gagawin nila 'yan. Sa batas, dapat mag-put up sila ng ibang waste treatment technology para ma-reduce 'yung kanilang pollution," sabi pa ni Hernandez.
Kinukuha pa ng GMA News ang pahayag ng kompanya, ngunit patay ang cellphone ng designated pollution control officer nito.
Sinabi rin ng building administrator na walang sumasagot sa kanilang opisina sa Greenhills, San Juan.
Nagpaalala at nagbabala ang LLDA na ang mga tao rin ang maaapekuhan kapag nagpatuloy sa pagtatapon ng kemikal sa mga ilog at karagatan.
"Kung magtatapon pa sila ng mas polluted na water diyan, mas lalong magiging malaki 'yung impact sa mga existing water users natin," sabi ni Hernandez. —Jamil Santos/NB, GMA News
