Dahil sa isang asong-gala, hindi ngayon makapaghanap-buhay ang isang 67-anyos na tricycle driver matapos siyang kagatin at mabalian ng buto sa balakang dahil sa kaniyang pagkakatumba sa Bulacan.

Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, makikita sa kuha ng CCTV ang biktimang si Felipe Martin habang naglalakad at papunta umano sa kaniyang tricycle sa San Jose, Bulakan, Bulacan.

Makikita rin ang aso na nakasunod sa kaniya at nang kaniyang itinaboy ay bigla siyang kinagat sa paa na dahilan ng kaniyang pagkakatumba.

Sa pagbagsak ng biktima, nadaganan pa niya ang aso kaya muli siyang pinagkakagat sa binti at paa.

Matapos ang insidente, umalis ang aso at dinala naman sa ospital ang biktima para mabigyan ng gamot kontra sa rabies.

Pero maliban sa mga sugat dulot ng kagat, hindi rin makalakad ngayon ang biktima dahil sa pagkakabali ng kaniyang buto sa balakang dahil sa kaniyang pagkakabagsak at kailangan pang operahan.

"Sa mga nag-aalaga ng aso na hindi ninyo rin lang maalagaan nang maayos 'yung aso ninyo, 'wag na kayong mag-aso, kasi nakakapinsala sa tao," paalala niya.

Hindi pa alam kung nasaan na ang aso at kung sino ang may-ari nito.

Ayon naman sa kapitan ng barangay, matagal na nilang sinabihan ang mga residente na itali ang mga alaga dahil hirap sila sa paghuli sa mga ito.

Sa datos ng Department of Health, nasa 300 hanggang 600 Pinoy ang namamatay taun-taon dahil sa rabies. Kaya paalala ng ahensiya, magpabakuna ng anti-rabies kapag nakagat ng aso. --FRJ, GMA News