Tiklo ang isang drug pusher sa Novaliches, Quezon City, na nakadamit pangbabae pa nang madatnan ng mga pulis sa kaniyang bahay habang ginagawa ang transaksyon sa droga.

Sa ulat ng "Unang Balita" nitong Miyerkoles, sinabing hindi alam ng suspek na pulis ang isa sa kaniyang mga katransaksyon. Kaya nang makumpirma ang bentahan ng droga, agad na sumalakay ang mga operatiba.

Nakabihis-babae ang suspek na si Benedicto Menses nang masakote at handa na raw  sanang magbahay-bahay sa paglalako ng droga sa Barangay Gulod sa Novaliches.

Narekober mula kay Meneses ang ilang pakete ng shabu  na nagkakahalaga ng P20,000.

Sumugod naman ang kaniyang mga kamag-anak at nakipagtalo sa mga pulis ngunit wala na silang nagawa.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Act of 2002 laban kay Meneses. —LBG, GMA News