Isang lalaki na naka-costume na Spiderman ang hinahangaan ng mga taong natulungan niya dahil sa mga ibinibigay niyang pagkain at regalo. Ang lalaki, napag-alaman na isa palang Bicolano.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing natunton ng programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," si Spiderman sa Naga, Camarines Sur.

Bagaman nagpaunlak ng panayam, pinili niyang manatiling lihim ang kaniyang pagkatao sa ginagawa niyang pagtulong.

"Hindi ako nagpapakita ng mukha kasi gusto ko lang ipaano sa mga Kapuso natin, sa mga kababayan natin na huwag tayong tumigil sa pagtulong kahit hindi ka nakikilala," paliwanag niya.

Kuwento niya, nagsimula ang kaniyang misyon na tumulong nang bumuo siya ng isang oraganisasyon para nagpakain ng mga bata sa plaza ng Naga.

"Namigay ng mga damit, laruan, nung pumutok yung giyera ng Marawi, nag-hitch hike kami. Inikot namin yung Luzon, Visayas, Mindanao para tumulong dun sa evacuees ng Marawi," kuwento niya.

Hindi rin daw naging madali ang buhay para kay Bicolanong Spiderman, dahil makailang beses siyang dumaan sa pagsubok hanggang sa muling makabangon.

Ngayon na may sarili na siyang pamilya at dalawang anak na silang nagsisilbing inspirasyon para ipagpatuloy ang nasimulan niya, ang makapagbigay tulong at saya sa mga nangangailangan.-- FRJ, GMA News