Isang lalaki ang nahuli-cam sa Maynila na maingat na papasok sana sa isang bahay pero napaatras bigla nang makita ang CCTV. Pero hindi naman siya umalis nang luhaan dahil tinangay pa rin niya ang isang bisikleta na nasa labas ng bahay.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita sa CCTV ang kawatan na dahan-dahan at patingkayad na naglalakad habang papasok sana sa bahay ng isang barangay kagawad sa Barangay 223, sa Tondo.

Pero nang maka-face to face niya ang CCTV camera, tila nahiya ang kawatan at biglang tumalikod. Pero bago umalis, tinangay niya ang isang bisikleta na kaniyang nadaanan.

"Siguro ang purpose niya aakyat ng bahay. Kaya lang nagulat siya sa CCTV kaya napagbalingan niya yung bike," ayon sa may-ari ng bahay na si Kagawad Cristy David.

Hindi na raw bago ang nakawan ng bisikleta sa lugar at posibleng ang kawatan na nakunan sa CCTV ang sangkot dahil kabisado raw nito ang pagpasok sa eskinitang walang tatagusan.

Bagaman nakatakas ang salarin, markado na ang kaniyang mukha matapos na makunan sa CCTV nang malapitan.-- FRJ, GMA News