Isang lalaki na may problema umano sa pag-ibig at pamilya ang umakyat sa tore ng National Grid Corporation of the Philippines sa Zamboanga City. Dahil sa ginawa niya, naperwisyo ang ilang residente dahil kinailangang putulin ang suplay ng kuryente.

Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing dakong 3:00 p.m. nitong Huwebes nang akyatin ng lalaki ang tore ng NGCP sa Barangay Boalan.

Sa itaas ng tore, palipat-lipat siya ng puwesto ay may pagkakataon na umuupo at humihiga pa sa bakal.

Kaagad namang rumesponde ang mga tauhan ng NGCP kasama ang Zamboanga City Disaster Risk Reduction Management Office at rescue unit na Bureau of Fire Protection.

May nakaantabay ding ambulansiya at pansamantalang pinutol ang kuryente sa lungsod.

Tatlong miyembro naman ng rescue team ang sumubok makipagnegosasyon sa lalaki. Hindi nagtagal, sumama na rin sa rescue team ang lalaki at dinala sa pagamutan para sumailalim sa medical examination.

Napag-alaman kinalaunan na may problema sa pag-ibig at pamilya ang lalaki.

Ayon kay Dr. Elmier Apolinario, hepe ng ng Zamboanga City-DRRMO,  maaaring sampahan ng kaso ang lalaki kapag napatunayan na wala siyang problema sa pag-iisip.

Natuklasan din na pangalawang pagkakataon nang inakyat ng lalaki ang tore kaya mag-iisip ng paraan ang mga awtoridad para hindi na maulit ang insidente.-- FRJ, GMA News