Sa halip na baon, granada ang bitbit sa klase ng isang pre-school pupil sa Sweden para ipakita sa kaniyang mga kamag-aral.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabi ng mga opisyal sa Kristianstad na napulot daw ng bata ang granada sa isang military firing range.

Mismong ang guro ang nakakita na hawak ng bata ang granada kaya kaagad siyang tumawag ng pulis.

Nakita ng mga awtoridad na "mapanganib" ang granada, na napulot daw ng bata nitong summer sa Rinkaby firing range, na nasa labas ng Kristianstad.

Kaagad na hinarangan ng mga awtoridad ang lugar para i-neutralize ng bomb squad ang granada.

Sabi ng tagapagsalita ng pulisya, hindi niya maisip kung gaano kalala ang maaaring likhain kung sumabog ang granada. — AFP/FRJ, GMA News