Nagmistulang tagapagligtas ng mga ibon ang isang lalaki sa Bulacan matapos niyang pakyawin ang mga ito na itinitinda at saka niya pinakawalan.
Sa ulat ng GMA News TV "State of the Nation with Jessica Soho" nitong Martes, kinilala ang tagapagligtas ng mga ibon na si Ruben Mendoza sa San Rafael, Bulacan.
Pagkabili niya sa mga ibon sa babaeng nagtitinda sa gilid ng daan, sunod-sunod niyang pinakawalan ang mga ito.
Ipinagbabawal umano sa Wildlife Resources Conservation and Protection Act ang pagbebenta at pagkulong sa mga ibon.
Bukod sa inilagay sa napakaliit na kulungan, kinulayan pa ang mga ibon na posibleng makaapekto sa kanilang kalusugan. --FRJ, GMA News
