Isang ordinansa ang inihain sa Maynila na naglalayong maging malinis ang labas ng mga bahay at kalsada. Kaya naman nakapaloob sa naturang panukala na ipagbawal ang mga gawain na hindi umano kaiga-igaya sa paningin tulad ng paglalaba at pagsasampay sa mga bangketa, eskenita at kalsada.

Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News TV "Quick Response Team" nitong Biyernes, sinabing mahigpit na ipatutupad sa Ordinance No. 8572 o  “Tapat Ko-Linis Ko,” ang paglilinis at pag-aayos ng mga residente ng kanilang kapaligiran at harapan ng kanilang tirahan.

Kapag ipinatupad, bawal na ang pagsasampay sa bintana, mga electrical wire, poste at iba pang lugar na hindi naman nakalaan para maging sampayan.

Bawal na rin ang paglalaba at pagsasampay sa mga gutter, sidewalk, eskenita at kalsada.

Maghihigpit din sa pagtatambak ng basura, pagpapabaya sa mga alagang hayop na dumudumi kung saan-saan, at nakalagay sa sidewalk at gutter.

Hindi na rin papayagan ang pagtatambak ng sirang sasakyan at appliances sa sidewalk o gilid ng kalsada.

Maghihigpit din sa pag-e-extend ng bahagi ng bahay o negosyo sa sidewalk, at maging pag-aalaga ng halaman at puno na labas sa property.

Ang mga lalabag, pagsasabihan sa first offense. Pero kapag umulit, may multa nang P500 sa second offense at P1,000 sa third offense.

Tataas ang multa sa P3,000 sa fourth offense at kapag umabot sa ikalimang pagkalabag, P5000 o kaya ay 30 araw sa kulungan.

Posible rin umanong may multa at kulong depende sa magiging desisyon ng korte.

Ang mga nagsampay naman sa hindi tamang lugar, pagmumultahin lang at hindi makukulong.

Nauunawaan naman daw ng ilang residente ang pakay ng ordinansa.  Pero ang isang lola na may tindahan sa gilid ng eskinita, umaapela na huwag silang idamay dahil iyon lang ang kaniyang pinagkukunan ng pambili ng gamot.--FRJ, GMA News