Kinakalawang lamang at nakatambak kung dati, luxurious house na ngayon ang isang container van matapos itong disenyohan ng isang lalaki sa Tanay, Rizal.

Ang isa namang phased out na jeepney, ginawang taniman ng mga halaman at gulay at eco-friendly pa.

Sa ulat ng Unang Balita ng GMA News nitong Miyerkoles, ipinasilip ang tiny house ni Amiel Colesio na gawa sa lumang container van, pero stylish, classy at modern na ang pagkakadisenyo.

"Na-inspire ako sa mga napapanood ko sa YouTube. Gumagawa sila ng mga tiny house sa pamamagitan ng container van. Sakto naman meron akong isang friend na nagbigay ng lumang container van. Nag-start 'yon nag-build ako nito three months ago, sinimulan ko na 'yung paggawa ng tiny house," saad ni Colesio.

Malapit na sa kalikasan, breathtaking pa ang view ng tiny house ni Colesio sa Tanay.

"First time kong magkabahay hindi sa katulad ng karamihan ng bahay, but then sobrang presko and sobrang at home ako," sabi pa ni Colesio.

Planter jeepney

Dahil sa isinusulong na PUV modernization, na-inspire naman ang permaculture practitioner na si Larry Gile na gawing planter jeepney ang phased out pero umaandar pang jeep.

Samu't saring gulay at halaman ang nakatanim sa planter jeep na mala-bahay kubo ang peg.

Eco-friendly pa ang imbensyon ni Gile, na nakatutulong sa pagbawas ng air pollution.

"Siguro kailangan natin ng isang, hindi lang technological innovation kundi isang cultural solution... Smoke emission which usually goes to the atmosphere, ni-rechannel ko siya, nilagay ko siya sa soil, plants 'yung gumagamit sa kaniya. At the same time, essentially isa siyang carbon sequestration vehicle," saad ni Gile.

Marami ring mural paintings at neon lights na may baybaying salita sa jeepney ni Gile kaya maraming nagpapakuha ng litrato sa sasakyan. —Jamil Santos/KG, GMA News