Nakahanap ng paraan ang isang grupo ng high school students sa Quezon City  upang pakinabangan ang nagkalat at umaalingasaw na dumi ng mga aso sa kalye matapos nila itong maisipang gawing batong "brick" o ladrilyo.

Sa ulat ng Reuters, ang "bio bricks" na naisipang gawin ng mga Grade 8 students ng Justice Cecilia Munoz Palma High School sa Payatas, Quezon City, ay pinaghalong dumi ng aso at semento.

Para magawa ang bio bricks, nangolekta ng dumi ng mga aso sa kalye ang mga mag-aaral, ibinilad sa araw para matuyo, at saka hinaluan ng semento at inilagay sa hulmahan.

Ang bawat brick ay naglalaman umano ng 10 grams ng dumi ng aso at 10 grams ng semento. Bagaman may amoy, mawawala rin umano ito kinalaunan.

“Our streets will really be cleaned up,” sabi ni Mark Acebuche, science class adviser ng mga estudyante.

Umaasa siya na makakakuha ng suporta ang mga mag-aaral para mapahusay ang produkyon ng bio bricks sa tulong ng lokal na pamahalaan o korporasyon.

Pag-amin ng isang estudyante, sila man ay nagulat nang malaman nilang mas matibay ang bio bricks kaysa sa hallow block nang isailalim umano sa compression test.

Maganda umanong gamitin ang bio bricks sa mga bangketa at bakuran.--Reuters/FRJ, GMA News