Sa loob lang ng walong araw, nagawa ng isang senior citizen sa Japan na makatawag sa telepono ng 24,000 ulit para magreklamo laban sa isang malaking phone company na nilabag umano ang kaniyang kontrata. Ang problema, siya ang dinakip ng mga awtoridad.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabi ng Tokyo police na isinailalim nila sa kanilang kostudiya nitong nakaraang linggo ang 71-anyos na si Akitoshi Okamoto dahil sa paulit-ulit na pagtawag via toll-free call sa customer service section ng major telephone company na KDDI.

Pero lumilitaw na higit pa doon ang dami ng tawag na ginawa ni Okamoto dahil sa ulat ng media na gumamit din umano ang matanda ng mga public pay phone para ilabas ang sama ng loob sa telephone company at mang-insulto ng customer service staff.

“He demanded that KDDI staff come to him to apologize for violating his contract. He also repeatedly hung up his calls immediately after placing them,” sabi ng tagapagsalita ng pulisya.

Dinakip ang senior citizen dahil sa hinala na sangkot siya sa “fraudulent obstruction of business.”

Ayon sa ulat, tumataas umano ang mga insidente na kinasasangkutan ng mga nakatatanda sa Japan.

Ang Japan ang isa sa mga bansa sa mundo na may mataas na populasyon ng mga nakatatanda.

Kabilang sa mga insidenteng ito ang mga nakatatandang driver na nasasangkot sa sakuna, at mga nakatatandang kostumer na nakikipag-away umano sa mga kawani ng railway company. —AFP/FRJ, GMA News