TIAONG, Quezon - Walong taon na magkasintahan sina Victor Banayo at Marjorie Calizar ng Tiaong, Quezon. Nitong kasal nila noong Huwebes, Disyembre 26, nauwi sa kalungkutan ang masaya sanang kasal nang pumanaw si Marjorie.

 

Ang magkasintahang Victor Banayo at Marjorie Calizar sa kanilang kasal sa Tiaong, Quezon nitong Disyembre 26, 2019. Photo courtesy: May Ann Mercado

 

Pangarap ng dalawa ang pagpapakasal subalit nagkaroon ng malubhang karamdaman si Marjorie.

Matapos sumailalim sa isang operasyon si Marjorie ay inakala ng magkasintahan na magiging maayos na ang lahat subalit kumalat na pala ang cancer.

Muling ipinasok sa pagamutan si Marjorie.

Naka-schedule ang kasal ng dalawa noong December 26 subalit masama pa rin ang kalagayan ng babae.

Dahil sa kagustuhan ng dalawa na ituloy ang pagpapakasal ay isinagawa ito noong December 26, 2019 sa Tiaong, Quezon.

Hindi na kaya ni Marjorie na maglakad. Mula sa pagamutan ay ginamit ni Marjorie na bridal car ang ambulance.

Sa simbahan ay naka-stretcher si Marjorie, base sa mga larawan at video na kuha ni May Ann Mercado, pinsan ni Victor.

 

Nasa stretcher si Marjorie nang isinagawa ang kasal nila ni Victor. Photo courtesy: May Ann Mercado

 

Kumpleto na ang mga abay, ninong at ninang. Lahat ay masaya at excited.

May mga nurse rin na naka-alalay kay Marjorie.

Subalit wala pa sa kalahati ang seremonya ay binawian ng buhay si Marjorie.

 

 

Itinuloy pa rin ng pari ang seremonya. Dahil raw sa kagustuhan at pagnanais ng dalawa na matanggap ang sakramento ng kasal ay idineklara pa rin silang mag-asawa.

Mula sa simbahan ay tumuloy ang mag-asawa sa punerarya sa halip na sa isang salu-salo.

 

Pagkatapos ng kasal ay sa punerarya dinala ang bangkay ni Marjorie. Photo courtesy: May Ann Mercado

 

—KG, GMA News