Sugatan ang isang lalaki matapos siyang mabaril habang nanghuhuli ng manok sa gubat sa Penarrubia, Abra.
Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Miyerkoles, sinabi ng 70-anyos na biktimang si Santos Venus, nagpunta siya sa gubat para manghuli ng labuyo.
Ginaya raw niya ang huni ng manok para maagaw ang atensyon ng huhulihin niyang manok nang makadinig na siya ng mga putok ng baril.
Pero ang mga bala ng baril, sa likod, kamay at paa niya tumama.
Masuwerteng nakahingi kaagad siya ng saklolo kaya naisugod siya sa ospital.
Hinala ni Venus, hindi siya ang puntirya ng bumaril at maaaring napagkamalan lang daw siya na manok.
Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.--FRJ, GMA News
