Laking pagtataka ng nagtanim ng okra sa Kabacan, Cotabato nang makita niyang hindi berde kung hindi kulay pink ang naging bunga ng kaniyang gulay.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi umano ng may-ari ng mga tanim na si Zainab Afdal Ampatuan, na nitong Linggo lang ng umaga niya nadiskubre na pink ang okra ang kinalabasan ng mga itinanim niya sa kaniyang vegetable garden.

Aniya, sabay-sabay niyang itinanim ang mga buto ng okra kaya nagtaka siya kung bakit hindi karaniwang berde ang naging bunga ng mga ito.

Pero ayon sa ulat, batay sa ilang gardening website ay mayroong talagang uri ng okra na kulay pink at pula.-- FRJ, GMA News