Literal na ang haba ng hair ng isang babae sa India na may hawak ng rekord bilang may pinakamahabang buhok sa mundo. Pero ang posibleng pantapat ng Pilipinas sa kaniya, hindi Pinay kung hindi Pinoy.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA news "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing kasingtaan ng six-footer na tao ang haba ng hair ni Nilanshi Patel, 16-anyos, kaya siya ngayon ang may hawak ng Guinness World record para sa teenager na may pinakamahabang buhok.

Once a week lang daw kung maghugas siya ng buhok at umaabot ng isang oras ang pagsusuklat niya.

Pero may pantapat daw ang Pilipinas sa long hair ni Patel sa katauhan ng musikerong si Rex Dalumpines, na mahigit 6 feet daw ang haba ng buhok kapag naka-dreadlocks.

Kaya kung hindi naka-dreadlocks, posibleng mahigitan ni Rex ang long hair ni Patel.

Aminado siyang time-consuming ang pag-aayos ng kaniyang buhok lalo na kapag papasok sa trabaho. Pero wala naman daw kapantay ang mga perks nito saan man siya magpunta

Mula noon pa man, crowning glory na ang turing sa mga buhok.

"Sa ancient Greece sa Rome, 'pag mahaba ang buhok mo ito ay simbulo ng power," ayon sa historian at sociologist na si Prof. Jim Naval.

Ngayon, may iba't ibang dahilan na ang mga tao sa pagpapahaba ng buhok. May para sa sarili, para sa pag-ibig, para sa pananampalataya at pati paraan ng protesta.

Pero anupaman ang dahilan sabi nga sa isang awitin, "Anong paki mo sa long hair ko." --FRJ, GMA News