Hindi naiwasang mabahala ang ilang residente ng Malimono, Surigao del Norte nang may mapadpad sa kanilang dalampasigan ang isang oarfish na may habang 14 na talampakan.
Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Miyerkules, sinabing nangamba ang ilang residente dahil sa mga paniwala na isang senyales na magkakaroon ng lindol ang paglabas ng oarfish sa Barangay Tinago nitong Lunes.
Buhay pa umano nang makita ang naturang isda pero namatay din pagkaraan ng ilang oras.
Dahil bawal kainin ang naturang isda, nagpasya ang mga residente na ibinaon na lang ito sa lupa.
Ito na umano ang pangalawang pagkakataon na may napadpad na oarfish sa lugar.
Sinabi naman ng mga awtoridad na walang basehan ang paniniwalang may kinalaman sa lindol ang mga oarfish.
Gayunman, nagkaroon ng paglindol sa nitong Martes at Lunes sa Leyte. --FRJ, GMA News
