Habang patuloy pa rin ang krisis sa kalusugan dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), isang ama sa China ang nakaisip ng paraan kung papaano mapoprotektahan laban sa virus ang kaniyang batang anak kapag lumalabas ng bahay.

Sa ulat ng Reuters, makikita ang dalawang-taong-gulang na anak ni Cao Junjie habang suot ang ginawa niyang inflatable suit na parang costume ng astronaut.

 

 

Ang naturang inflatable suit ay mayroong air purification system, mini electric fan at device para masuri ang kalidad ng hangin sa loob.

Si Cao din ang gumawa ng 'baby safety pod' para sa kaniyang isa pang anak na dalawang buwang gulang lang.

Ayon kay Cao, mas protektado ang mga bata sa inflatable suit kaysa lagyan lang ng face mask dahil  madalas nilang hawakan ang mga mukha at bibig na posibleng maging dahilan upang makapasok sa katawan nila ang virus.

Bukod sa protektado na ang bata ang virus, nakapagbibigay din siya ng aliw sa mga tao na natutuwa sa kaniyang kasuotan.--Reuters/FRJ, GMA News