Hindi akalain ng inang si Jarine na sa sandaling pag-alis niya ng bahay ay may mangyayaring hindi maganda sa kaniyang anak na si Princess. Ang bata kasi, naipasok sa kaliwang butas ng kaniyang ilong ang perlas ng pinaglalaruang pulseras.

Nangyari raw ang insidente noong 2018 at kaagad na dinala ni Jarine sa duktor ang bata para maalis ang perlas.

Pero sabi raw ng duktor, wala na ang naturang bagay sa ilong ng bata at binigyan na lang sila ng gamot.

Hanggang sa nitong nakaraang Marso, may lumabas na dilaw na sipon sa ilong ni Princess na may masangsang na amoy.

At nang silipin ni Jarine ang ilong ng anak, muli niyang nakita sa loob ang perlas.

Kaya naman muling nag-alala si Jarine, habang si Princess, umiiyak na dahil masakit daw ang kaniyang ilong kaya nais na rin niyang matanggal ang perlas.

Sinamahan ng team ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang mag-ina sa ospital para maipasuri ang ilong ng bata at doon nga nakumpirma ang bagay na nakabara sa ilong ni Princess.

Maalis pa kaya ang perlas sa ilong ni Princess? Panoorin ang video ng "KMJS."

--FRJ, GMA News

Tags: