Palaisipan sa isang barangay sa Natividad, Pangasinan kung sino at saan nanggagaling ang mga pagkain na iniiwan sa bakod bilang regalo raw sa isang babae. Ang hinala ng ilang residente, posibleng maligno na kung tawagin "pugot" ang nasa likod ng misteryo.

Ayon kay Nida, nagulat na lang siya nang biglang may mag-iwan ng de-leta sa kanilang bakod. Ilang beses pa umano itong nasundan gayung wala naman daw tao na napapansin ang kanilang mga kapitbahay na posibleng nag-iiwan ng mga pagkain.

Ang asawa tuloy ni Nida na nagtatrabaho sa Pampanga, napauwi para alamin kung sino ang nais umagaw sa kaniyang misis.

Para malaman kung maligno nga o kung sino man ang patagong nag-iiwan ng pagkaing regalo sa bakod, naglagay ng CCTV camera sa lugar.

Tunghayan ang episode na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" kung ano ang nakuhanan sa CCTV, at ang natuklasan ng paranormal investigator na si Ed Caluag sa lugar. Panoorin.


--FRJ, GMA News