It's the most wonderful time of the year na naman sa milyong-milyon red crabs sa Christmas Island, Australia.
Sa video ng Reuters, makikita ang paglabas ng mga red ,crab mula sa kanilang mga lungga sa gubat at nagsimulang maglakbay at tumawid sa mga kalsada.
Ginawa ng mga alimango ang taunang migration papunta sa tabing-dagat upang magparami ng kanilang lahi. Matapos nito, muli siyang babalik sa gubat.
Dahil sa paglalakbay ng mga alimango, sarado na sa mga motorista ang ilang kalsada upang mapangalagaan ang mga ito.
Bukod sa pagsasara sa ilang kalsada, may itinayo ring espesyal na tulay o crab bridges para ligtas silang makatawid sa highway.
Ayon sa mga namamahala sa parke, karaniwang nagsisimula ang paglalakbay ng mga alimango sa unang buhos ng ulan sa kanilang wet season sa buwan ng Oktubre o Nobyembre, na kung minsan ay inaabot din ng Disyembre.
May kinalaman din umano ang buwan o moon sa panahon ng paglalakbay at pagpaparami ng mga alimango.
Ang pambihirang kaugalian na ito ng mga alimango ay isa nang tourist attraction sa lugar.--FRJ, GMA News
