Arestado ang isang lalaki sa kukuha ng police clearance sa Ilocos Sur, na kailangan niya sa papasukang trabaho matapos na lumitaw na mayroon siyang arrest warrant sa kasong frustrated murder.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan," sinabing kukuha sana ng police clearance sa Sta. Cruz, Ilocos Sur ang lalaking tricycle driver, na kailangan sa papasukan sana niyang trabaho.

Pero ayon kay Police Captain Roger Baling-oay, jr, hepe ng Sta. Cruz Police station, may "hit" na lumabas nang i-check ang pangalan ng lalaki tungkol sa kasong kinasangkutan nito sa Camarines Norte noong 2016.

"Noong na-hit yung pangalan niya, vinerify namin kasi may lumabas na warrant. Ngayon, venerify na muna kung yung warrant ba ay active pa ba o hindi na," ayon kay Baling-oay.

"Ang alam niya wala siyang kaso kasi ang sabi niya allegedly during that time na nangyari ito, yung kuya na kasali dito sa warrant, actually is binugbog yung isang tao parang nag-away sila. Ngayon yung isang tao nahulog," sabi pa ni Baling-oay.

Ipinaliwanag umano ng lalaki na namagitan lang siya sa gulo at pabalik na siya noon sa Ilocos Sur kaya hindi niya alam na sinampahan siya ng kaso.-- FRJ, GMA News