Maaari na ring magamit ang tubig at ang sinag ng araw para maging alternatibong gasolina sa pagpapatakbo ng sasakyan.

Sa ulat ng Brigada, na mapapanood din sa Next Now ng GMA News, sinabing ikinakabit ang HHO generator, na naimbento ng electronic technician na si Joel Pasaraba, sa makina para maging hydrogen ang tubig.

Paliwanag ni Pasaraba, napaghihiwalay ng naturang mekanismo ang dalawang parte ng hydrogen at isang parte ng oxygen ng tubig.

"Kapag na-split niya po, form of gas na po siya hindi na liquid. Mas malakas na masusunog 'yung fuel natin. Kahit kaunting apak mo na lang sa silinyador nandu'n na 'yung power," sabi ni Pasaraba.

ADVERTISEMENT

Kaya naman ang isang kalahating basong distilled water ay kayang maging booster para sa 1,200 kilometers.

Samantala, naimbento rin ang isang solar-powered na sasakyan.

"Ang gusto ko po kasing mangyari 'yung eco-friendly and free energy. 'Yung talagang hindi ka na gagamit ng gasolina," sabi ng solar car maker na si Erik Pangyarihan.

Mula sa solar panel, napupunta ang enerhiya mula sa araw sa breaker at maximum power point tracking nito.

"Iko-convert niya sa mataas na boltahe kasi ito pong ating solar panel ay 250 watts na mayroong 40 volts lang. Ito pong ating battery ay nasa 60 volts," paliwanag ni Pangyarihan.

Mayroon ding bateryang nag-iipon ng solar energy ang sasakyan na siyang ginagamit ng motor para gumana ito.

Dalawa hanggang tatlong oras kailangang ibabad sa araw ang solar car para mapuno ang baterya na kayang tumakbo ng 16 kilometro. —VBL, GMA News