Naharang at naaresto sa isang checkpoint sa Laguna ang dalawang lalaking sakay ng motorsiklo na tumakas matapos mangholdap ng kainan. Paliwanag ng mga suspek, wala raw silang pang-gas sa sasakyan kaya nagawa ang krimen.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Souther Tagalog" nitong Huwebes, kinilala ang mga suspek na sina Ronilo Espinosa at Arnold Ilagan.

Ayon sa pulisya, galing daw sa Lucban, Quezon ang dalawa kung saan nakipag-inuman sakay ng isang pulang motorsiklo.

Nang madaanan nila ang isang kainan sa Luisiana, Laguna, hinoldap nila ito.

ADVERTISEMENT

Bumaba sa motorsiklo ang isa sa mga suspek, dumiretso sa kahera, at nagdeklara ng holdap. Nagsilbi namang lookout sa labas ang isa pa.

Wala umanong kostumer sa kainan at mabilis na umalis ang mga suspek tangay ang nasa P5,000 kita ng restaurant.

Ayon kay Police Captain Ferlita Asnan, acting chief ng Luisiana Police, kaagad na nagsumbong ang mga tauhan ng kainan sa pulisya.

Inalerto naman ang mga posibleng daanan ng mga suspek hanggang sa maharang ang mga ito sa nakalatag na checkpoint sa bayan ng Cavinti sa Laguna.

"Sila daw po ay galing Lucban, Quezon at nakipag- inuman. Wala raw silang pang-gas so naisipan daw nilang maghanap ng mahoholdap," ani Asnan.

Nakuha sa mga suspek ang ninakaw na pera, baril na kalibre .45 at mga bala.

Sa himpilan ng pulisya, posibong kinilala ng mga tauhan ng kainan ang mga suspek na mahaharap sa kaukulang reklamo.--FRJ, GMA News