Sa edad na 15, nakaipon na ng P4 milyon at nakapagpagawa pa ng kaniyang dream house ang isang dalagita dahil sa paglalaro ng online game na Mobile Legends. Ang kaniyang mentor, ang kaniya pa mismong tatay.

Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Cedric Castillo, sinabing ginawa na ring kabuhayan ng online gamer at livestreamer na si Jiji Dela Cerna ang online games.

"Noong bata po talaga ako, mahilig po talaga ako sa mga laro. Ang dami ko pong laro na inaalam, siguro five years old o six," sabi ni Jiji.

Mentor niya at unang kalaban sa games ang kaniya mismong Tatay Jonjon.

"Una ko po siyang nakita kay daddy, naglalaro siya. Tapos tinanong ko kung ano 'yung nilalaro niya, sabi niya ML daw po. Nagpaturo po ako kay daddy," sabi ni Jiji.

Taong 2020 nang sinubukan ni Jiji na i-livestream ang paglalaro niya ng Mobile Legends sa page na ML Online.

Tutol noong una ang ina niyang si Nikha.

"Sa totoo lang po noong una talaga against ako sa laro kasi nga po may school. Pero lately, na-realize ko na gusto po talaga ni Jiji na 'yung laro niyang 'yun, 'yun pala rin 'yung makakapagpatupad ng ibang pangarap niya," sabi ni Nikha.

Nagsimula sa 1.2K followers, mabilis umakyat ang followers ni Jiji, na nasa 4.1 milyon na ngayon.

Dahil sa paglalaro, naabot ni Jiji ang pangarap niya na bahay.

"Since noong four years old ako, lagi kong sinasabi kay mama na gusto ko po ng bagong bahay," sabi ni Jiji.

Kahit kumikita online, tinitiyak pa rin ni Jiji na pagtuunan ng pansin ang pag-aaral.

"Ginagawa ko lang po, stream sa umaga. Tapos tulog, pahinga. After po noon, aral na," sabi ni Jiji.--FRJ, GMA News