Napilitang mag-emergency landing ang isang maliit na eroplano na may limang sakay matapos makaranas ng engine failure. Pero ang pinagbagsakan ng eroplano, isang swamp na malapit sa puwesto ng mga buwaya sa Bolivia. Makaligtas kaya sila? Alamin.Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing galing sa Baure, Bolivia ang eroplano at patungo sana sa Trinidad, Bolivia nang makaransan ng technical issue habang nasa ere kaya napilitang silang lumapag sa swamp.Ang eroplano, pabaliktad na bumagsak sa swamp at napilitan ang mga sakay nito na tumayo sa ibabaw na bahagyang nakalubog sa tubig.Hindi kalayuan sa kanila ang puwesto ng mga buwaya."We fell into a swamp, and right next to it, there was a alligator nest," ayon sa piloto na si Pablo Andres Velarde.Nasa tatlo hanggang apat na metro lang umano ang mga buwaya mula sa kanilang puwesto. Mula umaga hanggang gabi na nakabantay daw sa kanila ang mga buwaya pero hindi sila nilapitan, sabi pa ni Velarde.Hinala ni Velarde, hindi lumapit sa kanila ang mga buwaya dahil sa tumagas na gas mula sa eroplano.Bukod sa buwaya, mayroon din umanong anaconda silang nakita sa tubig.Ang nagsilbi nilang pagkain sa halos dalawang araw na pagka-stranded sa swamp, ang cassava flour na kanilang nailigtas. Gayunman, wala silang inumin."We couldn't go anywhere else because of the alligators," anang piloto.Mabuti na lang at may mangingisda na nakakita sa kanila. Humingi ito ng tulong sa mga awtoridad at may helicopter na ipinadala upang kunin sila.Sa kabila ng kanilang sinapit, nagpapasalamat ang sakay sa eroplano na si Mirtha Fuentes na nakaligtas sila at galos lang ang tinamo."Thanks to God and the pilot's quick thinking and intelligence," ani Fuentes. -- FRJ, GMA Integrated News