Umaatikabong habulan ang nasaksihan ng mga motorista sa highway ng Minglanilla, Cebu nang tila mag-jogging sa gitna ng kalsada ang isang baka, kasabay ng mga sasakyan.
Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, ipinakita ang video footage sa ginawang alalay na paghabol sa baka ng mga traffic enforcer na sakay ng kanilang patrol car.
Nangamba umano ang mga enforcer na baka madisgrasya ang hayop o maging sanhi ng sakuna dahil nangyari ang insidente sa peak hours.
Inabot umano ng mahigit isang kilometro ang habulan at tumagal ng halos 30 minuto bago nakorner ang baka sa maisan.
"Nakita namin na pumagitna sa kalsada ang baka. Para siyang nagjo-jogging kaya sinundan namin. Na-hold siya ng mga concerned citizen na nasa malapit dahil sila mismo ang humabol," ayon kay Ronald Waskin, information officer, Minglanilla traffic commission.
Isang oras matapos ma-post sa social media ang video ng habulan, pinuntahan ito ng mga nagpakilalang may-ari ng baka.
Paliwanag nila, nakatali ang baka sa damuhan sa Barangay Tunghaan at hindi nila napansin na nakawala.
Labis ang pasasalamat nila na naibalik sa kanila nang ligtas ang baka.--FRJ, GMA News