Laking pagtataka ng may-ari ng isang tapsilogan sa Mangaldan, Pangasinan nang wala siyang mahagilap na kawali para gamitin sa pagluluto sa kaniyang tindahan.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Huwebes, sinuri ng may-ari ang kanilang CCTV camera, at doon niya nalaman na pinatos ng kawatan ang naturang mga kawali na nagamit na.

Makikita sa CCTV footage ang salarin na maingat at dahan-dahan na inaangat ang mga kawali na nasa kusina pero walang harang.

Ang mga ninakaw na gamit, aabot umano sa P4,000 ang kabuuang halaga.

Dumaan umano ang hindi pa natutukoy na kawatan sa bakanteng lote ng subdibisyon sa Barangay Malabago, patungo sa kusina.

Ayon sa pulisya, may person of interest na sila tungkol sa naturang kawatan ng mga kawali. -- FRJ, GMA Integrated News