Handa ka bang magkaroon ng kasama sa trabaho o sa bahay na isang robot na magiging katuwang mo sa mga gawain?
Sa video ng "Next Now," sinabing plano ni Tesla CEO Elon Musk na gumawa ng maraming humanoid robots sa darating na malapit na panahon.
Ang gagawin na mga robot, kaya raw maging yaya, hardinero, caregiver, o factory workers.
Tinawag niyang "Optimus" ang prototype ng robot.
"Optimus is designed to be an extemely capable robot made in very high volume. Probably ultimately million of units and it's expected to cost much less than a car," ayon kay Musk.
Pero aminado naman ang futuristic na negosyante na marami pang kailangang ayusin sa robot.
"There's still a lot of work to be done to refine Optimus and prove it," ani Musk. "I think Optimus is going to be incredible in five or 10 years, like mind blowing."
Isasailalim sa mga test ang prototype para makita ang response nito sa mga hindi inaasahang pangyayari.
Sa isang video, ipinakita ang experimental test robot na ginawa ng Tesla noong Pebrero na naglalakad, at gumawa ng mga simpleng gawain gaya ng pagdidilig, nagbuhat ng kahon at bakal.
Sa isang ulat ng Reuters, sinabing planong ibenta ang mga robot sa halagang hindi hihigit $20,000 o mahigit P1.1 milyon. --FRJ, GMA News
