Ang mga ina, gagawin ang lahat para sa kanilang anak. At ganito rin ang tila nasaksihan ng mga researcher sa Mediterranean sea sa mga dolphin nang makita nila ang isang dolphin na inaakay sa paglangoy ang kaniyang anak na wala nang buhay.

Sa video ng GMA News Feed, sinabing pabalik na sa pantalan ang grupo ng mga mananaliksik na nasa Mediterranean sea nang sabayan ang sinasakyan nilang speed ng nasa 25 dolphin.

Naging kapansin-pansin sa grupo na higit na mataas sa karaniwan ang talon ng mga dolphin na tila sadyang nais na mapansin.

Kakaiba rin umano ang nililikha nilang tunog o vocalization.

At hindi nagtagal, nakita na nila ang mommy dolphin na lumalangoy habang akay ang kaniyang patay na anak.

Dito na naantig ang damdamin ng grupo.

"I think this is the first time we have a record of this. I [was] really like crying," ayon sa isang kasama sa grupo.

Umiikot-ikot din umano ang mommy dolphin sa kanilang bangka na tila humihingi ng tulong.

Ilang beses ding inilulutang sa tubig ng mommy dolphin ang kaniyang anak na tila nais niyang i-revive.

Ayon sa grupo, ang kakaibang galaw ng iba pang dolphin ay maaaring pakikiluksa sa mommy dolphin, o nais din makatawag ng pansin para tulungan ang kanilang kasama.

Pero anuman daw ang ibig sabihin ng ikinilos ng mga dolphin, pagpapakita iyon kung gaano katalino ang mga ito.

Ang mommy dolphin, tila hindi pa raw kayang isuko o matanggap ang nangyari sa anak dahil ilan araw pa nila itong nakita na akay ang kaniyang supling na wala nang buhay.--FRJ, GMA News