Nakatanggap ng pera mula sa lokal na pamahalaan ang ilang mamimili dahil sa pagdadala nila ng ecobag sa palengke sa Asingan, Pangasinan.
Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing programa ito ng lokal na pamahalaan para pasalamatan ang mga sumusunod sa kanilang ordinansa na pagbabawal sa paggamit sa single-use plastics.
Sinabi ng lokal na pamahalaan na gusto nilang mahikayat pa ang maraming residente na sumunod sa ordinansa para makatulong na masolusyunan ang problema sa basura.
Maliban sa karagdagang budget, may natanggap pang libreng ecobag ang mga mamimili, na ginawa at tinahi ng persons with disability (PWDs).
Ang mga ecobag ay bahagi rin ng ecowaste management program kung saan iniipon ang mga materyales na puwedeng gawing bag tulad ng mga sako at katsa.
Dahil dito, may dagdag na kita maging ang mga PWD dahil sa ecobags.
Nagkakahalaga ang mga ecobag o bayong ng P40.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
