Mistulang bumaha ng mantika sa Muelle Loney sa Iloilo City nang tumagilid sa kalsada ang isang container van na naglalaman ng aabot sa 25 tonelada ng palm oil. Ang ilang residente, kaniya-kaniyang salok ng mantika.
Ayon sa isang ulat ng GMA News Feed, sinabing tinatayang P3 milyon ang halaga ng nasabing produkto.
Kuwento ng drayber ng trak, nawalan umano siya ng kontrol sa trak matapos pumalya ang isa sa mga gulong nito habang paakyat sa tulay.
Dalawang sakay ng motorsiklo ang nasugatan matapos nilang sumemplang dahil sa naging madulas na kalsada.
Tumagas din ang mantika sa Iloilo River kaya naglagay ang Philippine Coast Guard ng spill boom upang mapigilan ang pagkalat nito sa ilog.
Samantala, pinagpiyestahan naman ng mga residente ang natirang palm oil mula sa sasakyan.
Pinaalalahanan sila ng mga awtoridad na huwag nang gamitin ang mantika sa pagluluto dahil kontaminado na ito at maaaring magdulot pa ng sakit.
Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagbebenta ng nasabing produkto.
Pansamantalang isinara sa publiko ang bahagi ng highway habang nililinis ang kalsada mula sa tumapong mantika.--Sundy Mae Locus/FRJ, GMA News
