Laking gulat ng mga magkakaanak at maging ang mga residente sa isang barangay sa Pagadian City, Zamboanga Del Sur, nang madiskubre nila na hindi naagnas ang bangkay ng isang lola na dating mananambal o manggagamot kahit 16 na taon na itong nakalibing.

Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," napag-alaman na pinabuksan ng mga kaanak ang nitso na kinalalagyan ng bangkay ni Lola Elizabeth Sabate, para alisin na ang kaniyang mga boto at doon naman ililibing ang isa nilang kaanak na sumakabilang buhay na.

Pero nagulat sila nang makita na buong-buo pa rin ang katawan ni Lola Elizabeth. Hinala tuloy ng mga magkakamag-anak baka may nais ipahiwatig sa kanila ang yumaong lola.

Ilang minuto raw kasi bago nalagutan noon ng hininga si Lola Elizabeth, tila may inaabot daw ito sa mga kaanak at may sinasabi.

"Paulit-ulit niyang sinabi na sa tanggapin niyo na 'to gusto ko nang mamahinga, pagod na pagod na ako," ayon sa apo na si Jomar dela Cruz.

Batay daw kasi sa mga paniniwala, posibleng may agimat na nais iabot o iwanan ang matanda.

Hinala pa ni Jomar, baka iyon ang dahilan kaya hindi naagnas ang katawan ng kaniyang lola dahil walang tumanggap kung ano man ang nais nitong iwanan.

Sinabi rin ng isang anthropologist na noong unang panahon, may mga paniniwala na ipinapasa ng mga matanda ang kanilang kaalaman o agimat sa pangggagamot sa kanilang anak o kapamilya.

Gayunman, sinabi ni Jomar na wala naman daw anumang hawak ang kaniyang lola nang pumanaw ito. Ang lahat din umano ng gamit ng matanda, isinama nila nang ilibing ang kaniyang lola.

"Siguro ibig sabihin niya, tanggapin na siguro na mawawala na siya," saad ni Jomar.

Dahil sa hindi nagbago ang katawan ni Lola Elizabeth, nagpasya ang mga kaanak niya na huwag na siyang galawin at hayaan na lang siya sa kaniyang himlayan.

Hinanapan na lang nila ng ibang mapaglilibingan ang sumakabilang buhay nilang kaanak.

Pero bakit nga kaya hindi nagbago ang katawan ni Lola Elizabeth? Alamin ang posibleng dahilan base sa paliwanag ng eksperto. Panoorin ang kabuuan ng kuwento sa video ng "KMJS."-- FRJ, GMA Integrated News